Noong biyernes, nakuha ko na ang kalahati ng sweldo ko para sa buwan na ito. Malaki kung tutuusin dahil wala naman akong pagkakagastusan bukod sa pagbibigay ng pambayad sa kuryente at internet. Syempre, kasama pa dyan ang buwanang allowance na binibigay ko sa magulang ko. Naks, allowance! Parang sila estudyante noh? Haha! Binigyan ko kasi sila ng pang shopping dahil noong mga panahong wala pa kong trabaho, kapag wala na kong maisuot o di kaya ay nakadila na ang sapatos ko, walang pag aalinlangan nila akong ibinibili ng bago kahit talbos at binagoongang isda na lang ulam namin. Pang MMK buhay namin eh.
Para naman sa sarili ko, ito ang mga binili ko:
Ngayong nagkatrabaho na ko at pinagpaguran ko ang kinita kong pera, mas lumawak ang pag intindi ko sa mga kung anong mas importanteng bagay. Mas mahirap gumastos dahil nakakapanghinayang ipambili ang perang pinagpuyatan at ginamitan mo ng utak. Kung noon ay naghihintay ka lang ng baon kaya mas madali gumastos, iba na ngayon. Parang kailangan mo pang pag isipan kung kailangan mo ba talaga o kung mapapasaya ka ba nung bagay na bibilhin mo o panghihinayangan mo lang sa huli.
Kaya kung nanghihingi ka ng kickback sa nanay o tatay mo, makonsensya ka teh. Mahirap magtrabaho at totoong di itinatae ang pera. Eh kung sampalin kaya kita ng payslip?
Ang buhay ay di tulad ng Wiltime Bigtime na konting sayaw mo lang at pagsasabi ng “Ang pogi mo Wil!” o “Idol na idol ka ng lola ko!” ay may instant 5 thousand pesos ka na, freego jacket at Siyempre album.