Noong high school nauso ang pagdadala ng de film na camera. Yung tipong 36 shots lang kaya hangga’t maari ay puro group picture lang. Uso lang ang solo picture kapag graduation. Lalagyan ka ng satin na ribbon ng photographer at makukuha mo na yung litrato mo sa halagang 50 pesos.
Kung mayroon mang tawag sa takot sa pagpapakuha ng litrato, mayroon siguro ako ng phobia na yun. Hindi ako mahilig magpakuha ng litrato. Mas gusto ko pa yung ako ang humahawak ng camera at bibilang ng 1-2-3 sabay click. Wala tuloy akong ebidensya na nag aral ako ng high school at college dahil sa bawat group picture, ako ang kumukuha.

Wala pa siguro sa 200 ang litrato ko noong college na kasama ako. Para kasing hiyang hiya ako sa camera at kahit anong ngiti ang gawin ko, never akong magiging photogenic. Mukhang nakakatawa o di kaya naman ay pang wacky lang bagay ang itsura. Yan talaga ang feeling ko noon. Kaya pag kinunan mo ko ng patago, magtatanim na ko ng sama ng loob sayo dahil parang tinapakan mo ang pagkatao ko.

(Syempre kuha na naman ito ni THE Ariel Magyawe Jr.)
Pero ewan ko kung anong sumapi sa katawan ko at biglang nawala ang takot sa pagpapakuha ng litrato. Kapag nakakakita na ko ng camera, automatic na yung ngiti ko. Para bang feel na feel ko na ang ganda ko kahit di naman. Masarap kumuha ng litrato pero paminsan minsan, ay kailangan din ng photographer ng kukuha ng litrato niya. Naks!
Nabubuhay tayo sa panahong halos lahat ay may kamera kaya walang dahilan upang mag inarte at huwag magpakuha ng litrato. Sampung taon mula ngayon, maaring mga litrato na lang ang makapagpaalala sayo kung gaano ka kasaya o ka emo noong panahon na yun.
Isa pa, di naman masamang ngumiti di ba?